Thursday, January 28, 2010

All in My Head...

Ito po ay isang creative non-fiction essay na sinulat ko para sa Retorika, one of my classes. Ang creative non-fiction ay isang paglalahad ng totoong pangyayari sa malikhaing paraan.

Step after step... Ito ang tuluy-tuloy na pag-usad ng kwento ng buhay ko, matapos ang isang masalimuot at muntik-nang-maging-tragic-ending na kabanata ng maikling librong nabuo nito. Kababalik lang ng karaniwang ritmo ng aking paglalakbay at walang masyadong nangyaring mahalaga. Ang mga highlights na lamang siguro noon ay ang pagbisita sa akin ng noo’y itinuturing kong best friend. Pero lahat ay karaniwan. Maging ang pagpunta sa ospital upang magpa-check up ay karaniwan.

Hindi ko akalain na isa pala sa mga nakasanayan ko nang check-up ay magiging isa na namang kwentong worth telling. Para bang sequel ng nakaraang kapanapanabik na kabanata.

Ang Nakaraan...

Ika-11 noon ng Buwan ng mga Puso, maglalabing-isang taon na ang nakararaan. Mula sa kwartong isang gabi ko pa lang yata nagamit ay dinala ako sa OR, kung saan magaganap ang digmaan sa pagitan ng medisina (kakampi ng pananalig sa Diyos) at ng kamatayan. Nakahanda na ang lahat, ang mga alagad ng medisina at ang kanilang mga sandata, ang mga kamag-anak tangan ang mga Rosaryo, maging ang mahiwagang panyo ng El Shaddai sa aking kama. Ginanap ang digmaan habang ako’y natutulog. Hindi ko ito nasaksihan ni naramdaman dahil may anaesthesia. Habang ako’y tulog, binuksan ng isang dalubhasang doktor ang aking “isipan” upang matanggal ang ‘di kanais-nais na tumor na nagbabanta sa buhay ko.

Sa pinagsanib na lakas ng Diyos, ng medisina, at ng “Panatang Magbabayad” o utang, in other words, nagapi ang banta sa aking buhay. Matapos ang lahat ay tinahi ang aking bahay-utak at hinayaang maghilom. Ang tahi na ‘yon sana ang last step at ayos na uli ang lahat.

Fast-forward...

Sa check-up na iyon, nakaharap ko muli ang dalubhasang doktor na humiwa sa likod ng aking ulo. Bagamat bata pa, nakikinig ako sa mga pinag-uusapan ng doktor at ng tatay ko. Hindi pwedeng hindi ko alam ang nangyayari, kahit pa tila alien language ang scientific terms na ginagamit nila.

Maya-maya pa’y pinadapa ako ng doktor sa munting kama sa loob ng kanyang klinika. Doon ko nalaman na masasaksihan ko na pala ang ‘di ko nasaksihan noon. Muling gumawa ng mas maliit na hiwa ang doktor sa likod ng aking ulo. At ginawa niya iyon habang gising ako. Ang kalaban naman ngayon ay ang lintik na sinulid na pinantahi sa sugat ko noon para maghilom. Hindi ito natunaw sa loob ng katawan ko at kinailangan pang tanggalin.

Pasaway na sinulid! Sana pala hindi na lang tinahi yung hiwa ko noon. Sana’y nilagyan na lang ng zipper para hindi na muling hihiwaan!

Ngunit wala akong magawa noon kundi magtapang-tapangan. May anaesthesia man, ramdam ko pa rin ang paghiwa sa aking laman. Tiniis ko ang bawat kurot ng ubod-linis na mga gunting at iba pang kagamitan dahil alam kong para ito sa ikabubuti ko, at tiwala naman ako sa doktor at sa pag-aaruga ng Tagapagligtas ko. Mabuti na lamang at nakadapa ako at hindi makikita ang pagpatak ng ulan mula sa aking mga bintana. Ang kama lang ang tanging saksi sa pag-ulan ng aking mga bintana. Ngunit ibinunyag din ng traydor na kama ang aking lihim dahil siya’y nabasa ng ulan ko.

Matapos ang ilang minuto, ayos na ang lahat. Ilang usapan pa at umuwi na rin kami, pabalik sa normal na pag-usad ng kwento ng buhay ko.

Iyon ang unang pagkakataong mahiwa ang ulo ko habang ako’y gising. Laking pasasalamat ko sa dalubhasang doktor na naging instrumento ng Dakilang Manggagamot sa pagbibigay sa akin ng pangalawang buhay. Sa palagay ko ay kasama na niya ngayon ang Banal na Mangagamot sa langit. Laking pasasalamat ko rin sa mga kamag-anak at kaibigan na hindi nawala sa aking tabi at nanalangin para sa akin.

Ang buhay kong ito ay sa ‘Yo nanggaling, aking Tagapagligtas. Salamat sa buhay, na dalawang beses mo nang binigay sa ‘kin. Salamat sa marami pang kabanatang naisulat ko dahil hindi Mo tinapos agad ang kwento ko. Salamat at narito pa rin ako, nabubuhay at nagmamahal.

Sunday, July 12, 2009

Sa Oras ng Paghihirap


Pagsuko at PSfv_1agpapasa-Diyos

Sa isang digmaan, isang matipunong sundalo ang magiting na lumalaban para sa kanyang bayan. Mahusay siya sa pakikidigma at marubdob ang pag-ibig niya sa bayan. Matuwid din ang sundalong ito- may takot sa Diyos.

Sa kanyang pakikibaka, nasugatan siya sa kanang braso. Nagdugo ito at nagdulot ng matinding sakit sa kanya. Napasigaw siya sa sakit at dagling nag-isip kung anong gagawin niya.

Tumakbo siya, tila babalik ng kampo. Ngunit, sa kanyang pagmamadali, nadapa siya. Nasubsob siya at nadiin sa batuhan ang kanyang sugat. Anong sakit! Ni sa salagimsim ay hindi niya naisip na makakaranas siya ng ganoong hirap.

Tumayo siya at patuloy na tumakbo. Kataka-takang hindi pala ang kampo ang tutunguhin niya. Nilampasan niya ito at patuloy na tumakbo. Nagtungo siya sa isang ligtas na lugar, isang lugar na walang tao.

Ang tinungo niya pala ay ang Simbahan ng Divina Pieta o Divine Mercy.

Lumuhod siya sa harap ng altar. Pinagmasdan niya ang larawan ng Mabathalang Awa, ang mga pula at puting ilaw nito na sagisag ng dugo at tubig mula sa puso ni Kristo. Nanalangin siya, "Panginoon, mahabag po kayo!".

Isang malakas na hangin ang umihip sa loob ng simbahan. Nagdilim ang lahat.

Wala na siyang makita. Naramdaman niya ang apoy na nagliyab sa buong katawan niya. Ngunit, hindi siya nasunog ni napaso.

Maya-maya, naramdaman niyang may yumayakap sa kanya. Hindi niya ito makita. Biglang naramdaman niya na dumadanak ang dugo ng taong ito. Nabasa siya ng dugo nito, bumubuhos sa kanya- sa buo niyang katawan.

"Sino po kayo?", tanong ng sundalo, "Duguan po kayo ah. Nais niyo bang dalhin ko kayo sa kampo naming mga sundalo?".

Sinagot siya ng nakabibinging katahimikan. Nanatili pa ring nakayakap sa kanya ang mahiwagang taong iyon. Hinaplos siya nito, isang haplos na tigib ng pag-ibig at habag.

Dito lamang niya napagtanto kung sino ang taong iyon. Natuwa siya nang makilala niya na ito.

Nagwika siya, "Panginoon ko, Ikaw nga ba? Naramdaman ko ang mga sugat sa Inyong mga palad, mga sugat na natamo Ninyo nang ipako kayo sa krus.". Hinaplos siyang muli ng taong ito at gumaling ang sugat niya. "Ikaw nga ba Iyan, Diyos ko? Salamat po.", aniya.

"Tunay kang mahabagin, Jesus. Basbasan Mo po ako at ang aming bansa, lalo na ang aming hukbo ".

"Mahal kita.", sagot ng Panginoon. Ito lamang ang tangi niyang narinig.

Matapos iyon, nagbalik ang liwanag. Unang nasilayan ng kanyang mga mata ang larawan ng Mabathalang Awa. Napangiti na lamang siya nang makita niyang basa ng dugo at tubig ang imahe. Basa rin ang buong altar. Tila may nagsaboy ng dugo rito. Ngunit, alam niyang hindi gayon ang nangyari. Alam niya.

Niyakap siya ng Diyos. Binalot siya ng Mabathalang Awa ni Kristo.

Ito po ay isang repost mula sa aking dating friendster blog. Nailathala na rin ito sa PCS Gazette.

Thursday, May 7, 2009

An "Immersion" Experience

Noong ika-4 ng Mayo 2009, Lunes pagkatapos ng fiesta ng aming parokya, Our Lady of La Paz Parish, isang kakaibang experience ang napagdaanan ko. Outing noon ng staff ng aming parokya kaya't walang magbabantay sa simbahan kundi kami. Kami ang guwardiya, sacristan, tagapaglinis atbp.

4:30 am pa lang ay naroon na ako sa simbahan. Sarado pa ito at natutulog ang guard. Pagkagising nya'y nakapasok na ako. Wala ding gagawin sa loob. Kaya ako pumunta nang maaga ay para sana ihanda ang mga kailangan sa Misa ng 6:30 am. Ngunit wala nang dapat pang gawin dahil nakahanda na ang lahat, inihanda na ng aming masipag na sacristan mayor. Pagdating n'ya ay sinabihan ko siya, "Kuya, outing n'yo na lang, nagtatrabaho ka pa." Hindi daw pala siya makatulog kaya inihanda n'ya na lang lahat ng kailangan sa Misa 2 am pa lang.

Mag-a-alas sais na nung dumating si Vince, isa naming altar server. Nagsisimula na ring magdasal ang mga miyembro ng Apostleship of Prayer. Si Vince ang naging sacristan sa 6:30 am Mass at ako naman ang altar server. Ang aking paboritong si Fr. James ang nagMisa. Siya'y naroon lamang dahil inimbita siya sa fiesta, pero sa iba na siya nakadestino. Habang nagmimisa'y umalis na ang aming staff. At dumating din si Manuel, isa ring altar server.

Pagkatapos ng Misa ay dinala na ang Blessed Sacrament sa Adoration Chapel. Pagkatapos, nag-spray ako ng mga bulaklak sa altar. Ang dami ng bulaklak dahil nga fiesta. Syempre, gusto kong tumagal yung bulaklak kasi tumulong ako sa pag-ayos nun! Hehehe...

Pagkatapos mag-spray ay natulog ako sa Sacristy. Si Vince ang nagbabantay, sa guard house. Ako naman ay tulog na tulog dahil hindi ako natulog the night before, sa takot na hindi ako magising nang maaga.

Pagkagising ko ay nagwalis-walis ako. Si Vince naman ay kinailangan nang umuwi dahil aalis daw sila. Si Manuel umalis din para magcomputer. Naroon na rin sa simbahan si Peng Peng, isa ring server. Tinawag pa namin siya mula sa bahay nila na malapit lang sa simbahan. Dumami na rin kami. Maya-maya'y dumating ang mga batang choir member at nagsabing sila na lang ang magwawalis at magma-mop.

Naglabas ako ng bente pesos upang pang-merienda namin. Mga 11 pasado nung nagbisikleta kami nina Carl at Peng sa bahay ko upang magluto ng tanghalian. Si Manuel ang nagbantay (nakabalik na siya) sa simbahan. Nagluto kami sa carinderia namin. Corned beef na may itlog ang niluto namin, sisig style. Meron pang keso yung itlog.

Pagbalik sa simbahan, nagsaing si Peng sa kanila. Nagdala na rin siya ng mga plato at kubyertos at ulam na pandagdag sa kakainin. Ayon, nagsalu-salo kami dun na parang dun kami nakatira sa simbahan. Dun na rin kami naghugas ng pinggan.

1 pm, sinarado ko ang Adoration Chapel dahil 1-3, sarado ito dapat. Pasado ala-una nang umalis sila upang bisitahin ang isang choir member na maysakit. Mag-isa ako nun sa simbahan ng mga ilang saglit. Hanggang bumalik din sila.

Then dumating na ang mga members ng 100% Katolikong Pinoy. Imbes na sa bahay namin ang meeting, sinabihan ko silang sa simbahan na lang dahil nga hindi ako makaalis dun. Ayokong iwan ang simbahan.

Naghanda na kami para sa Misa ng 6 pm. Umuwi ako ng mga 5 para maligo at magpalit dahil magseserve ulit ako. Naroon na ulit si Vince. Si Fr. Nards ang nagMisa.

Nagkaroon ulit ng Misa ng 8 pm, Misa ng Charismatic. Ako ang naghanda ng mga kailangan. Nagpabili pa ako ng posporo dahil hindi makita yung posporo sa simbahan. Pagkatapos maghanda ay iniwan ko si Peng upang magsacristan. Sumama ako sa 100% KP upang kumain sa McDo. Doon ay nakita pa namin ni Chelly ang isang highschool friend na si Miguelo.

Bumalik ako ng Simbahan at dinala kay Peng ang take-out na para sa kanya. Naabutan ko pa siya dun kasama ang iba pang servers. Nag-usap-usap pa kami dun sandali bago ako umuwi.

Grabe talaga itong araw na ito dahil napakarami kong karanasan. Na-"immerse" kami sa iba't ibang gawain sa parokya.

Wednesday, April 29, 2009

Welcome to This is the Dale!

I have created this blog to be an avenue of stories I want to share to the world. I want to share my life to the world, not for my own sake, but for people to learn from it.

As you may have noticed, the title of this blog is a "pun", if you will. The title reminds us of Psalm 118:24, "This is the day that the Lord has made. Let us rejoice and be glad in it." My intention in making this title was not to make you rejoice for my existence; it was, rather, my intention to give thanks to my Creator for my existence, and to give credit for His continuous guidance in my life.

Of course, expect that I will write in either English or Filipino.

I pray that this blog would be filled with wonderful stories which could reach out to touch many lives.

May the Spirit of God envelop me and inspire me to write, not for my own sake, but for the world to see that He is at work in my life, and that they too, ought to receive Him.