Thursday, January 28, 2010

All in My Head...

Ito po ay isang creative non-fiction essay na sinulat ko para sa Retorika, one of my classes. Ang creative non-fiction ay isang paglalahad ng totoong pangyayari sa malikhaing paraan.

Step after step... Ito ang tuluy-tuloy na pag-usad ng kwento ng buhay ko, matapos ang isang masalimuot at muntik-nang-maging-tragic-ending na kabanata ng maikling librong nabuo nito. Kababalik lang ng karaniwang ritmo ng aking paglalakbay at walang masyadong nangyaring mahalaga. Ang mga highlights na lamang siguro noon ay ang pagbisita sa akin ng noo’y itinuturing kong best friend. Pero lahat ay karaniwan. Maging ang pagpunta sa ospital upang magpa-check up ay karaniwan.

Hindi ko akalain na isa pala sa mga nakasanayan ko nang check-up ay magiging isa na namang kwentong worth telling. Para bang sequel ng nakaraang kapanapanabik na kabanata.

Ang Nakaraan...

Ika-11 noon ng Buwan ng mga Puso, maglalabing-isang taon na ang nakararaan. Mula sa kwartong isang gabi ko pa lang yata nagamit ay dinala ako sa OR, kung saan magaganap ang digmaan sa pagitan ng medisina (kakampi ng pananalig sa Diyos) at ng kamatayan. Nakahanda na ang lahat, ang mga alagad ng medisina at ang kanilang mga sandata, ang mga kamag-anak tangan ang mga Rosaryo, maging ang mahiwagang panyo ng El Shaddai sa aking kama. Ginanap ang digmaan habang ako’y natutulog. Hindi ko ito nasaksihan ni naramdaman dahil may anaesthesia. Habang ako’y tulog, binuksan ng isang dalubhasang doktor ang aking “isipan” upang matanggal ang ‘di kanais-nais na tumor na nagbabanta sa buhay ko.

Sa pinagsanib na lakas ng Diyos, ng medisina, at ng “Panatang Magbabayad” o utang, in other words, nagapi ang banta sa aking buhay. Matapos ang lahat ay tinahi ang aking bahay-utak at hinayaang maghilom. Ang tahi na ‘yon sana ang last step at ayos na uli ang lahat.

Fast-forward...

Sa check-up na iyon, nakaharap ko muli ang dalubhasang doktor na humiwa sa likod ng aking ulo. Bagamat bata pa, nakikinig ako sa mga pinag-uusapan ng doktor at ng tatay ko. Hindi pwedeng hindi ko alam ang nangyayari, kahit pa tila alien language ang scientific terms na ginagamit nila.

Maya-maya pa’y pinadapa ako ng doktor sa munting kama sa loob ng kanyang klinika. Doon ko nalaman na masasaksihan ko na pala ang ‘di ko nasaksihan noon. Muling gumawa ng mas maliit na hiwa ang doktor sa likod ng aking ulo. At ginawa niya iyon habang gising ako. Ang kalaban naman ngayon ay ang lintik na sinulid na pinantahi sa sugat ko noon para maghilom. Hindi ito natunaw sa loob ng katawan ko at kinailangan pang tanggalin.

Pasaway na sinulid! Sana pala hindi na lang tinahi yung hiwa ko noon. Sana’y nilagyan na lang ng zipper para hindi na muling hihiwaan!

Ngunit wala akong magawa noon kundi magtapang-tapangan. May anaesthesia man, ramdam ko pa rin ang paghiwa sa aking laman. Tiniis ko ang bawat kurot ng ubod-linis na mga gunting at iba pang kagamitan dahil alam kong para ito sa ikabubuti ko, at tiwala naman ako sa doktor at sa pag-aaruga ng Tagapagligtas ko. Mabuti na lamang at nakadapa ako at hindi makikita ang pagpatak ng ulan mula sa aking mga bintana. Ang kama lang ang tanging saksi sa pag-ulan ng aking mga bintana. Ngunit ibinunyag din ng traydor na kama ang aking lihim dahil siya’y nabasa ng ulan ko.

Matapos ang ilang minuto, ayos na ang lahat. Ilang usapan pa at umuwi na rin kami, pabalik sa normal na pag-usad ng kwento ng buhay ko.

Iyon ang unang pagkakataong mahiwa ang ulo ko habang ako’y gising. Laking pasasalamat ko sa dalubhasang doktor na naging instrumento ng Dakilang Manggagamot sa pagbibigay sa akin ng pangalawang buhay. Sa palagay ko ay kasama na niya ngayon ang Banal na Mangagamot sa langit. Laking pasasalamat ko rin sa mga kamag-anak at kaibigan na hindi nawala sa aking tabi at nanalangin para sa akin.

Ang buhay kong ito ay sa ‘Yo nanggaling, aking Tagapagligtas. Salamat sa buhay, na dalawang beses mo nang binigay sa ‘kin. Salamat sa marami pang kabanatang naisulat ko dahil hindi Mo tinapos agad ang kwento ko. Salamat at narito pa rin ako, nabubuhay at nagmamahal.