Sunday, July 12, 2009

Sa Oras ng Paghihirap


Pagsuko at PSfv_1agpapasa-Diyos

Sa isang digmaan, isang matipunong sundalo ang magiting na lumalaban para sa kanyang bayan. Mahusay siya sa pakikidigma at marubdob ang pag-ibig niya sa bayan. Matuwid din ang sundalong ito- may takot sa Diyos.

Sa kanyang pakikibaka, nasugatan siya sa kanang braso. Nagdugo ito at nagdulot ng matinding sakit sa kanya. Napasigaw siya sa sakit at dagling nag-isip kung anong gagawin niya.

Tumakbo siya, tila babalik ng kampo. Ngunit, sa kanyang pagmamadali, nadapa siya. Nasubsob siya at nadiin sa batuhan ang kanyang sugat. Anong sakit! Ni sa salagimsim ay hindi niya naisip na makakaranas siya ng ganoong hirap.

Tumayo siya at patuloy na tumakbo. Kataka-takang hindi pala ang kampo ang tutunguhin niya. Nilampasan niya ito at patuloy na tumakbo. Nagtungo siya sa isang ligtas na lugar, isang lugar na walang tao.

Ang tinungo niya pala ay ang Simbahan ng Divina Pieta o Divine Mercy.

Lumuhod siya sa harap ng altar. Pinagmasdan niya ang larawan ng Mabathalang Awa, ang mga pula at puting ilaw nito na sagisag ng dugo at tubig mula sa puso ni Kristo. Nanalangin siya, "Panginoon, mahabag po kayo!".

Isang malakas na hangin ang umihip sa loob ng simbahan. Nagdilim ang lahat.

Wala na siyang makita. Naramdaman niya ang apoy na nagliyab sa buong katawan niya. Ngunit, hindi siya nasunog ni napaso.

Maya-maya, naramdaman niyang may yumayakap sa kanya. Hindi niya ito makita. Biglang naramdaman niya na dumadanak ang dugo ng taong ito. Nabasa siya ng dugo nito, bumubuhos sa kanya- sa buo niyang katawan.

"Sino po kayo?", tanong ng sundalo, "Duguan po kayo ah. Nais niyo bang dalhin ko kayo sa kampo naming mga sundalo?".

Sinagot siya ng nakabibinging katahimikan. Nanatili pa ring nakayakap sa kanya ang mahiwagang taong iyon. Hinaplos siya nito, isang haplos na tigib ng pag-ibig at habag.

Dito lamang niya napagtanto kung sino ang taong iyon. Natuwa siya nang makilala niya na ito.

Nagwika siya, "Panginoon ko, Ikaw nga ba? Naramdaman ko ang mga sugat sa Inyong mga palad, mga sugat na natamo Ninyo nang ipako kayo sa krus.". Hinaplos siyang muli ng taong ito at gumaling ang sugat niya. "Ikaw nga ba Iyan, Diyos ko? Salamat po.", aniya.

"Tunay kang mahabagin, Jesus. Basbasan Mo po ako at ang aming bansa, lalo na ang aming hukbo ".

"Mahal kita.", sagot ng Panginoon. Ito lamang ang tangi niyang narinig.

Matapos iyon, nagbalik ang liwanag. Unang nasilayan ng kanyang mga mata ang larawan ng Mabathalang Awa. Napangiti na lamang siya nang makita niyang basa ng dugo at tubig ang imahe. Basa rin ang buong altar. Tila may nagsaboy ng dugo rito. Ngunit, alam niyang hindi gayon ang nangyari. Alam niya.

Niyakap siya ng Diyos. Binalot siya ng Mabathalang Awa ni Kristo.

Ito po ay isang repost mula sa aking dating friendster blog. Nailathala na rin ito sa PCS Gazette.

1 comment:

  1. "Ngunit masdan mo, siya'y muli kong susuyuin,
    dadalhin ko sa ilang,
    kakausapin nang buong giliw."
    (Hosea 2:14)

    ReplyDelete